Fan ako ng Eheads

Dahil sa kuya ko nakilala at nagustuhan ko 'yung Eraserheads. Paborito ko 'yung kanta nilang Minsan, Huling El Bimbo, Huwag mo nang Itanong, Magasin at Ligaya. Halos araw-araw ko yata silang pinapakinggan dati, bago ko makilala si Hesus. 'Yung mga kanta nila 'yung theme song ng buhay ko. Kahit di naman tumpak sa istorya ng buhay ko 'yung mga liriko, gusto ko pa rin kasi nagagandahan ako sa mga mensahe at tono.


Kahit nu'ng nakilala at tinanggap ko na si Hesus, nakikinig pa rin ako sa mga kanta nila. Pero dumating 'yung panahon na nangusap sa'kin ang Panginoon. Hindi ko naman narinig audibly pero narinig ko sa puso ko. Pa'no ko naman nalaman na Diyos nga 'yon? Una, hindi ko naman inisip na wag nang makinig sa Eheads. Kusang dumapo sa isip ko 'yung ideya mula sa kawalan. At isa pa, ayoko sa ideya na 'yon. Gustong-gusto ko kaya makinig sa Eheads tapos sasabihin ng isip ko na huminto na sa pakikinig. Kaya sigurado ako, ang Panginoon nga 'yung nangusap. Pangalawa, mabigat at masikip sa dibdib nu'ng patuloy kong binalewala 'yun. Pero nu'ng sinunod ko na, biglang gumaan 'yung pakiramdam ko. Pangatlo, nu'ng patuloy pa rin ako sa pakikinig, naramdaman kong nanghihina ako physically, spiritually at emotionally. Pero nu'ng sinuko ko na 'yon, hindi na ako nakinig at worship songs na lang pinakinggan ko, lumakas ako physically at spiritually. Nawala 'yung pag-ooverthink ko. Ito 'yung time na hindi na ako fully nakinig sa mga makamundong musika kasama 'yung mga kanta ng Ben&Ben, I Belong to the Zoo, Paramore, at marami pang banda na gustong-gusto ko.

Napagtanto ko na may tinatagong mahika 'yung mga kanta. Hindi mo maiisip 'yan kapag patay ka pa spirtually, pero kapag binuhay ka na ng Diyos at nabubuhay na sa liwanag, saka mo maiisip na nilalason ng mga kantang 'to 'yung puso't isipan mo. Naisip ko na may kontribusyon 'yung musikang pinapakinggan ko sa kalungkutan, anxiety, depression at pag-ooverthink ko. Kapag malungkot ako, nakikinig ako sa mga malulungkot na kanta kaya mas lalo akong nalulungkot at nade-depress. Kahit hindi naman ako inlab, naiinlab ako dahil sa liriko at tono ng mga kantang pinapakinggan ko lalo na 'yung mga kanta ng Ben&Ben. Dahil sa mga romantikong kanta, naghahamgad ako na magkaro'n ng nobyo kahit hindi pa naman tamang panahon. Lagi akong nananaginip ng gising na sana mapansin na ako ni crush dahil sa impluwensiya ng mga kantang pinapakinggan ko. Gusto kong magrebelde at maging cool kahit kasalanan pala 'yung mga ginagawa ko dahil din sa impluwensiya ng musika.

Mahiwaga at may mahika 'yung mga kanta, hindi lang kanta ng Eheads kundi lahat ng kanta sa mundo. May tinatago itong sikreto na dahilan kung bakit nagugustuhan natin at kung bakit sumisikat. Kaya delikado makinig sa mga musika kasi hindi mo alam kung anong klaseng ideya 'yung tinatanim nito sa puso't isip mo.

Ngayon, hindi ko na gusto 'yung Eheads. Hindi na nila ako fan. Iba na 'yung gusto ko. Worship song na 'yung gusto ng tenga ko. Worship song na 'yung hinahanap ng kaluluwa ko. Ito siguro 'yung isa sa mga halimbawa na kapag binago ka ng Diyos, unti-unti mong aayawan 'yung mundo at mamahalin mo 'yung mga bagay na gusto ng Diyos.

Comments

Popular posts from this blog

Kung Nalulungkot ka

Hunyo 15, 2023