Gusto kong maging close kay Lord
Basahin ang
Bibliya araw-araw. Manalangin at manatili sa presensiya ng Diyos araw-araw.
Makisalamuha sa kapwa mo mananampalataya. ‘Yan ang mga ginagawa ko para
mapalapit kay Lord. Siyempre hindi ko ‘yan magagawa kong hindi sa lakas na
binibigay sa’kin ng Diyos.
Kung gustong lumago ang pananampalataya mo at mas lalong pang maging malalim ang relasyon sa Panginoon, basahin mo ang Bibliya araw-araw. Sabi sa Salmo 1:2-3 ASND, Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon, at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan. Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa, na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon. Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
Hindi naman sa nagmamayabang, pero para lang magbigay ng halimbawa, sinisigurado ko na araw-araw nakakabasa ako ng 3 hanggang 5 kabanata sa kahit anong aklat sa Bibliya. Sa loob ng pitong araw sa isang linggo, may araw rin na nagpapahinga ako sa pagababasa. Well, nagbabasa pa rin naman ako pero ‘yung tipong hindi ko sineseryoso pero nagbabasa pa rin ako kasi pakiramdam ko may kulang kapag hindi ko inuuna si Lord o binigyan ng oras sa loob ng isang araw.
Kung wala naman akong gana magbasa, nakikinig ako ng audio Bible, o kaya podcast, o di kaya nanunuod ng sermon sa Youtube. May mga pagkakataon din nagbabasa ako ng daily devotionals ng ibang tao kasi natutouto ako sa mga karanasan nila at talagang malaking tulong ito para mas maintindihan si Lord.
Pangalawa ay laging manalangin. ‘Yung panalangin hindi lang naman puro salita kundi pakikinig din sa Diyos. Sa totoo lang hindi ako mahilig manalangin, pero gustong-gusto ko ‘yung nandoon lang ako sa presensiya ni Lord. Tapos kapag may gusto akong sabihin sa Kanya saka lang ako nagsasalita. ‘Yung panalangin sa’kin ay hindi puro salita, pero ito ‘yung pakikipag-usapan mo sa Diyos mula sa puso mo. Mas mabuti na ‘yung kaunting salita na galing sa puso kaysa libo-libong salita na wala namang laman. At ang panalangin ay hindi isang relihiyosong gawai. Ito ‘yung pagkausap mo sa Diyos kasi mahal mo siya. Ito ‘yung paraan mo para magpasalamat sa Kanya at manghingi ng patnubay. Ito ‘yung pag-iyak mo sa harapan Niya kapag sobrang bigat na ng puso mo at ubos na ubos ka na. Ganu’n ang tunay na panalangin para sa’kin.
Dapat hindi tayo pumapayag na hindi nakakausap si Lord sa loob ng isang araw. Kahit simpleng pagpikit at pagsambit ng “Salamat Lord” sa gitna ng paglalakad mo o habang nagdidilig ka ng halaman, isa itong panalangin. At iba rin ‘yung panalangin na kakanselahin mo lahat ng lakad mo para lang manalangin at kausapin mo si Lord. Tapos doon ka mananalangin sa loob ng kwarto na walang nakakaalam at walang ibang nakakakita sa’yo kundi si Lord lang. ‘Yan ‘yung panalangin na gustong-gusto ni Lord. Hindi dapat tayo tumitigil na manalangin. Sabi nga sa 1 Tesalonica 5:17, “Lagi kayong manalangin”.
Hindi isang responsibilidad ang panalangin pero isa itong pagkilos na nagsasabing “Lord, mahal kita kaya gusto kong manalangin”. ‘Yung hindi ka lang napipilitan pero gustong-gusto ko mo talagang gawin para kay Lord. ‘Yan ‘yung panalanagin na totoong galing sa puso.
Sabi sa Hebreo 10:25, “Huwag nating pababayaan ang mga pagtitipon natin gaya ng nakaugalian na ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng bawat isa, lalo na ngayong nalalapit na ang huling araw.” Dito ako laging pumapalya. Hindi ko gusto na laging nakikipag-fellowship kasi minsan may mga bagay ako na hindi gusto. Pakiramdam ko kasi mas marami ‘yung pagsasayang ng oras kaysa doon sa totoong fellowship. Tapos madalas kong makita ‘yung mga mali sa loob ng grupong pinupuntahan ko kaya hindi na lang ako pumunta kaysa mapuno ‘yung puso ko ng pagkamuhi at pagkainis. Ito siguro ‘yung kailangan kong ipaayos kay Lord sa ngayon.
‘Yun lang. Hanggang sa muli.
Comments
Post a Comment