Mahal ka Niya
Juan 3:16
Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Paniwalaan mo man o hindi, mahal ka ng Diyos. Pinatunayan niya 'yun sa pamamagitan ng anak niyang si Hesus. Pinababa niya si Hesus para mamatay sa mga kasalanan mo. Bakit? Ano ba ang mangyayari kapag walang magbabayad ng kasalanan mo? Edi ikaw mismo ang magbabayad. Pero hindi mo kayang gawin 'yon kaya nga bumaba si Hesus. Kasi hindi mo kaya. Hindi natin kaya.
Kung gusto mong magbayad ng mga kasalanan mo. Madali lang naman 'yon. Kalimutan mo ang Diyos at wag kang sumampalataya Kay Hesus. Pero balang araw mamatay ka at magdudusa sa nag-aalab na apoy, sa impyerno. Bakit naman? Kasi nagkasala ka. Dahil kay Adan at Eba, automatic pagkalabas mo sa sinapupunan ng nanay mo makasalanan ka kasi nga anak ka ni Eba at Adan. Namana mo 'yung kasalanan nila. Hindi lang ikaw pero lahat ng tao sa sanlibutan. Tapos may mga kasalanan ka pa na ginagawa habang lumalaki ka at nagkakaisip. Kaya palala nang palala at patindi nang patindi 'yung mga kasalanan mo sa mata ng Diyos. Siguro sa mata mo at sa mata ng ibang tao mabait ka naman kasi hindi ka pumapatay ng tao. Pero sinasabi ko sa'yo, mababaw ang pagkaintindi mo sa kasalanan. At sinasabi ko sa'yo na sobrang dumi at baho mo sa harapan ng Diyos. Kaya nga, kailangan mo si Hesus. Si Hesus 'yung maglilinis sa'yo at Siya ang daan para mapatawad ka ng Diyos Ama sa mga kasalanan mo. Ililigtas ka ni Hesus ngayon at hanggang sa Paghuhukom kapag ibinigay mo ang buong puso at paniniwala mo sa Kanya.
Hindi lang 'yun! Bibigyan ka pa Niya ng buhay na walang hanggang. Ibig sabihin, kapag namatay ka ngayon, mabubuhay ka ulit gaya kung paanong nabuhay ulit si Hesus. Mabubuhay ka ulit at hindi na mamatay. Mabubuhay ka ulit sa mundo na walang kahirapan, karahasan, sakit at delubyo. Mamumuhay ka kasama ng Diyos at ng mga mahal mo sa buhay na nagtiwala rin kay Hesus. Hindi ka masusunog sa impyerno! Hindi ka masasaktan! Hindi ka na mahihirapan! Lalaya ka at liligaya kapag binigay mo 'yung buong buhay mo kay Hesus.
Kay Hesus, may kapatawaran para sa mga nagsisisi. May gamot para sa mga may sakit. May kalayaan para sa mga nakakulong. May ligaya para sa mga nalulungkot. May pag-asa para sa mga nawawalan ng pag-asa.
Maniwala ka, may buhay na walang hanggang. May magandang plano ang Diyos. May kaharian na naghihintay sa'yo. Kaya buksan mo 'yung puso mo. Wag kang maging hangal. Sabi sa Bibliya, mga hangal ang hindi naniniwala sa Diyos. Sana hindi ikaw 'yung tinutukoy ng berso na 'yan. Buksan mo 'yung isipan mo. Gumising ka!
Magsisi ka na sa mga kasalanan mo. Talikuran mo 'yung kasamaan at lumapit sa Diyos. Wag mong hintayin na mahuli ang lahat. Matagal ka nang hinihintay ng Diyos kaya bumalik ka na sa Kanya.
Comments
Post a Comment