Paano kung?
Napapaisip ako kung minsan, paano kaya kung hindi pala totoo 'yung Bibliya? Alam kong malabong mangyari 'yun kasi naranasan ko na 'yung maraming bagay na kahit i-deny ko na walang Diyos, may Diyos talaga. Pwede kong itakwil 'yung Diyos pero hindi mawawala 'yung katotohanang alam ko na totoo Siya dahil sa mga naranasan ko na sobrang nakakamangha.
Paano kung hindi pala totoo na maliligtas ka lang kapag naniwala ka kay Hesus? Paano kung wala namang susunod na habang-buhay? Paano kung hindi naman totoo 'yung second coming? Paano kung wala pa lang impyerno? Paano kung kasinungalingan lang pala 'yung Gospel? Paano kaya? Edi napunta sa wala lahat ng pinaghirapan ko sa mundong 'to. Kung hindi 'yan totoo, isa pa la akong baliw. Sandali, hindi lang pala ako kundi lahat ng bilyon-bilyong Kristiyano sa buong mundo.
Pero paano kung tama pala 'yung sinasabi sa Bibliya? Paano kung totoo 'yung impyerno? Paano kung totoong may buhay na walang hanggan? Paano kung babalik talaga si Hesus?
Sa tingin ko, mas mabuting maniwala kaysa hindi maniwala. Kasi kung maniniwala ka, isusugal mo lahat. Pero kung hindi ka maniniwala, wala namang mawawala sa'yo. Sasaya ka sa kasalukuyan, pero kawawa ka sa katapusan ng istoryang sinulat ng Diyos. Isa ka sa mga isasama ng mga antagonista na magdudusa sa lawa ng apoy. Pero kung maniniwala ka at sasampalataya, kasama kang magdiriwang sa tagumpay ng protagonista at mabubuhay ka habang-buhay. Happy ending ganern.
Comments
Post a Comment