Sabi nila...

Sabi nila magugunaw raw 'yung mundo balang-araw. Babalik si Hesus para iligtas 'yung mga tagasunod niya. Paparusahan ng Diyos lahat ng hindi naniwala sa Anak niya. Gagawa ang Diyos ng bagong mundo. At doon titira habang-buhay 'yung mga tagasunod ng Anak niya. Wala nang iiyak. Wala nang mahihirapan. Wala nang kasamaan at kahirapan. Wala na ang dating mundo.

Mahirap paniwalaan. Pero paniwalaan mo man o hindi, 'yan ang totoo. Hindi nagbabago ang katotohanan dahil lang ayaw mong paniwalaan. Hindi kailangang umayon ng katotohanan sa opinyon at nararamdaman mo. Nanatiling katotohanan 'yung katotohanan alam mo man o hindi, nauunawaan mo man o hindi, paniwalaan mo man o hindi.

Kaya mabuti pa hanapin mo 'yung katotohanan habang may panahon pa. Subukan mo ring unawain gamit 'yung mga natitirang brain cells sa utak mo. At buksan mo 'yung sarado mong puso para maliwanagan ka.

Sabi nila namatay si Hesus para sa mga kasalanan ng tao sa buong mundo. Ibig sabihin, wala ka nang utang sa Diyos. Paid ka na. Malinis na rekord mo. Pero para maibigay sa'yo 'yung resibo, kailangan mong magsisisi sa mga kasalanan mo. Kapag nagsisi ka, du'n ka sa loob ng kwarto mo. Du'n ka umiyak sa harapan ng Diyos na nakakakita sa'yo. Kapag nagsisisi ka, wag mo nang ulitin. Wag ka nang babalik sa dati mong buhay.

Sabi nila lahat daw ng tao, nagkasala sa Diyos. May kasalanan na 'yung tao bago pa man lumabas sa sinapupunan ng nanay nila kasi namanan nila 'yun kay Adan at Eba. Katulad kung paanong namamana mo 'yung genes at kung minsan ay karakter ng nanay at tatay mo, ganu'n namana ng tao 'yung kasalanan. Tapos habang lumalaki siya, palala nang palala 'yung kasamaan niya. At sabi sa batas ng Diyos, lahat ng may kasalanan ay mamamatay at 'yung kamatayan na 'to ay hindi 'yung kamatayang naiisip. 'Yung tipong wala ka nang consciousness. Hindi ka na umiiral at wala ka nang nararamdaman. Hindi ganu'n 'yung kamatayang tinutukoy diyan. 'Yan 'yung second death, 'yung walang katapusang parusa sa nag-aalab na apoy. Bakit? Kasi hindi 'yung katawa mo 'yung parurusahan kundi 'yung kaluluwa. Nabubulok 'yung katawan natin pero hindi 'yung kaluluwa. Nanatili 'to habang buhay. Gustuhin mo man o hindi, 'yan 'yung batas ng Diyos. Paparusahan niya ang dapat parusahan. At pagbabayarin ang dapat pagbayarin. Pero mabait at mapagmahal ang Diyos, kaya nga binigay niya si Hesus para magbayad sa mga kassalanan natin.

Siya 'yung umako ng parusa na dapat para sa'yo. Ganu'n ka kamahal ng Diyos. Gumawa siya ng paraan para hindi ka mapahamak. At dalawa lang 'yung gusto niyang hilingin sa'yo. Maniwala at magsisi.

Comments

Popular posts from this blog

Kung Nalulungkot ka

Hunyo 15, 2023