Si Dome at Maine
Sabi nila haiskul daw 'yung pinakamasayang yugto ng student life. Totoo naman, pero mas gusto ko sa kolehiyo. Doon ako nakatagpo ng mga taong may mga paninindigan at tumintindig sa kanilang mga ipinaglalaban. Marami ang patuloy na lumalaban sa kabila ng mga puwersang humahadlang sa kanila. At may mga ilang din na tumutuklas pa lang kung ano 'yung gusto nilang ipaglaban at pag-alayan ng buhay nila. Isa ako sa mga taong 'yon. At masaya akong sabihin na natagpuan ko sa apat na sulok ng kampus ng PUP 'yung bagay na gusto kong ipaglaban at panindigan hanggang kamatayan. Ito rin ang siyang bagay na patuloy na bumubuhay sa'kin araw-araw.
Bihira kang makakilala ng mga taong masasabi mong kahulma mo. 'Yung tipong nagkakasundo kayo sa maraming bagay. Iisa 'yung paniniwala niyo at mithiin, at kapareho ng pananaw tungkol sa maramimg bagay sa mundong ibabaw. Sila 'yung mga taong ayaw mong kalimutan.
Si Dom at Maine. Sila 'yung dalawang taong nagpapagaan sa paglalakbay ko sa buhay kolehiyo. Si Maine 'yung tipong kapag kasama mo hindi ka kakabahan. Hindi mo kailangang magkunwari. Hindi mo kailangang magmagaling. Pwede kang maging honest nakakahiya man, nakakatawa o parang walang saysay 'yung sinasabi. Panatag ka pa rin kasi siya 'yung kaharap mo.
Ganu'n din si Dom sa'kin kahit na hindi kami madalas mag-usap noong pandemya. Hindi kami madalas mag-usap pero pakiramdam ko wala namang nagbago sa pagkakaibigan namin.
Nakakaramdam
din ako ng ginhawa kapag kasama si Dom. Ramdam ko 'yung pagiging totoo niya.
Siya 'yung tipong makakakwentuhan mo sa mga seryoso at malalimang usapan. Pero
maaasahan mo rin sa mga kwentong katatawan at kabalastugan. Minsan kahit walang
nakakatawa, matatawa ka na lang.
Si Shane, Liz,
Alex at Toni. Hindi ko man sila madalas kasama at kakwentuhan, isa silang
pamilya na maituturing ko. Mga taong maaasahan mo at mapagkakatiwalaan. Asahan
mong makakasama mo silang tumawa, malungkot, madismaya, mag-cram ng gawain at
kumain.
Maraming
pagkakapareho ni Maine at Dom. Nalaman ko nu'ng una palang na crush ni Dom si Neil.
Makalipas 'yung ilang buwan, nagkagusto rin ako kay Neil. At makalipas 'yung
ilang buwan, nakapagkwentuhan kami ni Maine doon sa may Chapel. At doon ko
nalaman na may gusto rin pala siya kay Neil.
Naku, baka
iniisip mo na sobrang gwapo ni Neil para magkagusto kaming tatlo. Hindi naman
siya gwapo, sakto lang. May katangusan 'yung ilong at katamtaman 'yung height.
Pero sa tingin ko, 'yung personality ni Neil 'yung dahilan ng lahat. At totoo
nga 'yon, nakumpirma ko nu'ng nagkausap kami ni Maine. Ganu'n din 'yung sabi ni
Dom na dahilan kung bakit siya nagkagusto kay Neil. Sobrang bait kasi niya saka
matalino pa. Nakapasa nga raw siya sa UP pero pinili niyang sa PUP mag-aral.
Para sa'kin da best pa rin 'yung karanasan ko sa kolehiyo. Pero masaya rin naman nu'ng haiskul kaso bawat 'yugto ng buhay natin ay may kanya-kanyang aral na tinuturo. May dahilan ang bawat nangyayari gaya ng pagpatak ng ulan at pagsikat ng araw sa silangan.
Comments
Post a Comment