Throwback

Wala naman akong balak mag-aral sa PUP. Tadhana na siguro na du'n ako mag-aral. Ganu'n naman talaga 'yong buhay. Misteryoso, nakakabigla at maraming nangyayari na di mo inaasahan.

Dapat sa probinsiya na namin ako mag-aaral. Pero may masamang nangyari. Ayoko sanang ikuwento kasi nakakahiya. Pero sige, sa ngalan ng pagkukwento, heto ikukwento ko na lang.

Galing ako sa probinsiya namin sa Bikol. Nagtapos ako ng elementarya doon. Namatay 'yung tatay ko pitong taong gulang pa lang ako. Kakagraduate ko pa lang siguro nu'n ng kinder. Speaking of kinder, naalala ko tuloy 'yung titser namin, si Ma'am Teresa. Hindi ko alam kung trabaho ba talaga 'yan ng mga titser sa kinder pero laging naantala 'yung klase namin nu'n kaso marami akong kaklase na tumatae. Du'n sila pinapatae ni ma'am sa likod lang ng klasrum tapos siya rin maghuhugas sa kanila. Nandidiri ako para kay ma'am. Isipi mo 'yon, ikaw naghuhugas ng pwet ng dalawampu mong esdtudyante kada taon. Bilib ako sa kanya bilang guro. At napapatanong ako kung makatarungan bang gawin 'yun ng isang guro. Sa ngalan ng pagmamahal sa tao at propesyon, siguro oo. Pero kung sistema ng edukasyon sa Pilipinas ang pag-uusapan, normal bang maghugas ng pwet ng mga estudyante ang mga guro?

Nu'ng grade 1 ako, may bespren akong bading. Lagi kaming magkasama tuwing reses. Tapos lagi nakapatong 'yung kamay niya sa balikat ko kapag naglalakad kami. 'Yun 'yung di ko malilimutang alaala tungkol sa kanya. Simula nang tumuntong ako ng grade 2 hanggang grade 6, hindi na kami naging magkaklase. Nagtapos at nasimula 'yung pagkakaibigan namin nu'ng grade 1. Magatapos ang halos sampung taon, nagkita ulit kami. 'Yung bestfriend ko nu'ng grade 1 ay hindi na bading, babaeng-babe na. Sa totoo lang, mas maganda pa siya sa'kin. Ba't ganu'n?

May kaklase rin ako na katabi ko nu'n sa upuan. Hindi siya marunong magsulat ng pangalan niya kaya lagi ko siyang tinuturuan. Magkaibigan kami noon pero ngayon para na kaming estranghero. Ganu'n talaga 'yung buhay.

Hindi nagtuturo 'yung titser namin nu'ng grade 2. Lagi lang nagpapakopya. Wala akong masyadong maalala sa yugtong ito ng buhay ko.

Siguro 'yung isang araw lang na umalingasaw 'yung amoy ng tae sa klasrum namin. Nalaman namin kung kanino galing 'yun. Lubos akong nahihiya para sa kanya. Sana ay naibaon na niya 'yun sa limot.

Munchkin at pancake 'yung naaalala ko nu'ng grade 3. 'Yung 'yung binibenta ni ma'am Carmelita sa klasrum namin. Hindi ko talaga makakalimutan 'yan kasi sobrang sarap ng munchkin at pancake na 'yun. Kung mayaman lang kami nu'ng panahong 'yun, siguro pinakyaw ko 'yung paninda ni ma'am.

Nu'ng grade 4 naman, naalala ko 'yung ice candy ng titser ko na tsokolate 'yung flavor. Di ko gusto 'yun pero bumibili pa rin ako para dagdag points. Dito ako nagsimula maging business minded. Nagbenta ako ng kung ano-anong kendi sa klasrum. Naalala ko rin na sa unahan ako nakaupo nu'n at may nagbebenta ng mga buto ng sunflower na hindi naman tumutubo.

Nang mainlab ako sa'yo kala ko pag-ibig ko ay tunay. At 'yung nga 'no, grade 5 nang magkaro'n ako ng crush. Ito 'yung mga panahong pumapasok na lang ako para lang makita siya. Siyempre nag-aaral pa rin ako. Naalala ko pa nga 'yung fraction sa math saka reproduction system sa science. Naalala ko pa nu'n, sumisilip pa ako sa bintana tuwing dumadaan siya sa'min. Hindi ko na ulit nakita 'yung crush ko na 'yun nu'ng grumadweyt ako ng elementarya. Hindi ko rin alam kung nasaan na siya ngayon.

Dabest 'yung christmas party namin nu'ng grade 6 kasi may treasure hunting! Tinago ng mga titser sa mga halaman 'yung mga plastik na naglalaman ng mga tsokolate at may lamang pera 'yung iba. Tapos nakasali rin ako sa larong paper dance. Malungkot lang kasi hindi si crush 'yung nakasayaw ko. Pero ayos lang. Masaya pa rin naman 'yung alaala na 'yon.

Pinanlaban ako ng titser ko sa essay writing. Wala akong kaalam-alam tungkol sa pagsusulat lalo na dahil Ingles. Nagkaroon kami ng mga pagsasanay. Tapos nu'ng malapit na 'yung kompetisyon, pinapunta niya ako sa bahay nila. May binigay siya sa'king papel na naglalaman ng sinulat niyang sanaysay. 'Yun daw 'yung paksa ng sanaysay na isusulat namin sa araw ng kompetisyon. Sabi niya i-memorize ko na lang daw.

Akala ko naman na-memorize ko nang maayos kasi nag-champion ako. Pero pumunta sa eskwelahan namin 'yung nakalaban ko, sinabi na first runner up lang daw ako. Mali-mali siguro 'yung name morize ko. O baka hindi talaga ganu'n kaganda 'yung sinulat ni ma'am na sanaysay.

Nu'ng grade six ako, may kaklase akong tinusok ng ballpen. Kumusta na kaya siya ngayon. May kaklase rin ako na nagtapat ng pag-ibig niya habang nagfo-floor wax kami. Romantiko di ba? At may kaklase rin ako nu'ng grade six na umamin sa'kin nu'ng kolehiyo na nagkagusto siya sa'kin. Naalala ko lang kasi may nakakapansin din pala sa mga dugyot na katukad ko.

Hindi ko na ikukwento 'yung karansan ko nu'ng haiskul. Pero sa madaling sabi, nu'ng kukuha sana ako ng entrance eksam sa state university na papasukan ko sana sa probinsiya namin ay bigla akong nag-LBM. Kaya hindi na tuloy. Balak ko sanang humingi ulit ng schedule pero 'yun na 'yung huling araw ng pagkuha ng eksam. Kaya wala akong choice kundi mag-enroll na lang sa PUP. Sa huli, napamahal din naman ako sa unibersidad at sa kursong kinuha ko. At doon nga rin ako natututong magmahal. Ems.

Ayon lang. Hanggang sa muli.

 

 


Comments

Popular posts from this blog

Kung Nalulungkot ka

Hunyo 15, 2023