Hunyo
Dapithapon,
naglalakad si Hunyo pauwi sa kanilang bahay. Galing siya sa ekswela. Kanina pa
dapat ang uwian nila pero nag-over time na naman ang titser niya.
Patuloy siya
sa paglalakad. Maririnig ang busina ng mga sasakyan. ‘Di alintana ang usok na nasisinghot
mula sa mga tambutso. Pinagmamasdan niya ang mga dumadaang sasakyan, ang mga
tao, at ang mga hayop na makikita sa paligid.
Nang lumiko
siya sa isang kanto, bigla siyang nakaramdam ng awa nang makita niya ang isang
pulubi na nakaupo sa isang tabi. Malamlam ang kanyang mga mata. Maputla at tuyo
naman ang kanyang labi. Impis ang katawan nito na tila madadala na ng ihip ng
hangin. Gula-gulanit ang kupas niyang damit at mababanaag sa mukha ng pulubi
ang paghihirap at kawalan ng pag-asa.
‘Yun ang unang
beses na nakita niya doon ang pulubing ‘yon. Sigurado siyang bago lang ito sa lugar
nila dahil halos araw-araw siyang dumadaan sa kanto na ‘yon at noon niya lang
ito nakita.
Tiningnan
lamang ni Hunyo ang kawawang pulubi habang natutulog ito. Dumiretso siya sa
paglakad ngunit habang unti-unting papalayo ang kanyang lakad sa kinaroroonan
ng pulubi, binabagabag siya ng kanyang konsensya.
Hindi
nakatiis si Hunyo. Huminto siya at muling tinanaw ang kawawang pulubi.
Napagdesisyunan niyang magtungo sa malapit na panaderya. Bumili siya ng
dalawang malalaking monay na tig-otso pesos ang isa. Paborito niya ang tinapay
na ‘yon dahil bukod sa siksik at hindi puro hangin, masarap din ang lasa nito
kahit walang palaman. Ito ang naisip niyang ibigay sa pulubi dahil tiyak siyang
mabubusog ito sa monay.
Inabot niya
ang bente pesos sa tindera at agad naman siyang sinuklian ng kwatro. Pagkatapos
nito ay dali-dali siyang bumalik sa kinaroroonan ng pulubi. Natutulog pa rin
ito nang datnan niya kung kaya nilapag na lamang niya ang dalawang pirasong
tinapay sa tabi nito.
“Pasensya ka
na at ito lang ang nakayanan ko. Sana ay mabusog ka sa tinapay,” mahinang
bulong ni Hunyo.
Hindi pa man
nakakatayo ay biglang nag-ibang anyo ang pulubi. Sa isang kisapmata, ang
madungis na pulubi ay isa pa lang napakagandang dalaga. Animo ay diyosa na
katulad sa mga larawang nakikita sa libro. Sa tingin niya ay mas maganda pa ito
kay Venus na sinasabing diyosa ng kagandahan. Walang kolorete ang maamo nitong
mukha na pinalilitaw ng kanyang puti at mahabang kasuotan. May magagandang
palamuti ang nakalagay sa mahaba at makulay nitong buhok.
Nanlaki ang
mga mata ni Hunyo sa kanyang nasaksihan. Hindi siya makapaniwala sa nakikita ng
kanyang mga mata.
“Pagbati
munting Binibini! Ipinadala ako ng Hari upang subukin ang kabutihan ng puso ng
sanlibutan. Sa dami ng dumaan, ikaw lamang ang nagpamalas ng kabutihan sa tulad
kong pulubi. Dahil diyan, ikaw ngayon ay iniimbitahan ng Hari sa kanyang
kaharian!” magiliw na sabi ng magandang babae.
Tulala pa
rin si Hunyo at hindi makapaniwala sa nangyayari. Magsasalita pa lamang sana siya
pero biglang lumiwanag ang paligid. Sa isang iglap, naglaho ang magandang babae
na kanina lang ay nakatayo sa kanyang harapan.
Umuwi si
Hunyo. Patuloy na pinoproseso ng kanyang isipan ang mga nasaksikhan at narinig.
Nang gabing ‘yon, hindi siya nakatulog nang maayos. Paulit-ulit niyang inisip
ang nangyari.
Kinaumagahan,
habang naglalakad siya papunta sa eskwela, may isang papel na tinangay ng
hangin at napadpad ito mismo sa harapan niya. Malakas ang hangin, patuloy ito
sa pag-ihip ngunit hindi nito tinatangay ang kapirasong papel. Pinulot ito ni Hunyo
at binasa ang nakasulat, “Patuloy mong hanapin at iyong matatagpuan.”
Maliban sa
insidenteng iyon, wala nang kakaibang nangyari sa araw na ‘yon kay Hunyo. Hindi
rin niya binigyang pansin ang papel na napulot. Bagaman nababagabag, isinantabi
niya ang lahat at piniling hindi bigyan ng pakahulugan.
Nang gabing ‘yon,
nanaginip siya tungkol sa isang tindahan ng mga antigong gamit. Nakakita siya
ng isang puting pusa sa gitna ng mga halaman. Nakita rin niya ang kanyang
sarili sa harapan ng isang pinto na pilit niyang binubuksan. Nang mabuksan niya
ang pinto, lumiwanag ang paligid at bigla na lamang siyang nagising.
Katulad ng
mga nauna, binalewala niya ang panaginip na ‘yon, naisip niya na baka isa
lamang iyon sa mga lugar na madalas niyang mapanuod sa palabas. Hindi na siya
muling makatulog kaya napagdesisyunan niyang bumangon na upang maghanda na sa
pagpasok sa eskwela. Agad siyang naligo, nagbihis at kumain ng almusal.
“’Nay,
papasok na po ako,” paalam niya sa kanyang nanay habang papalabas ng kanilang
bahay.
Maaga pa
naman kung kaya naisip ni Hunyo na magbisikleta papasok sa eskwela. Dadaan din
pala muna siya sa computer shop upang magpa-photocopy ng kanyang takdang
aralin. Makalipas ang ilang minuto ng pagbibisikleta, nangalay ang kanyang mga
paa kung kaya napagdesisyunan niyang maglakad na lamang.
Habang
naglalakad, nakakita siya ng isang pusa na kulay puti. Hindi na sana ito
papansinin ni Hunyo ngunit tila pamilyar ang pusang ito. Hindi niya alam kung saan
niya ito nakita kaya inisip muna niyang mabuti kung saan ba niya ito nakita.
“Teka, saan
ko ba nakita ang pusang ito? Sandali…”, bulong ni Hunyo sa sarili habang
pinagmamasdan ang pusa.
“Ah! Alam ko
na, katulad ‘to ng pusang nasa panaginip ko. Oo, tama! Ito ‘yun.” Pinagmasdan
niya ang pusa, inisip kung ano ang ibig sabihin nito. Napatingin siya sa oras.
“Nako! Baka
mahuli na ako sa klase, kailangan ko pa palang ipa-photocopy ang assignment ko,”
sabi niya sa sarili nang makita na sampung minuto na lamang at mahuhuli na siya
sa klase.
Hindi
namalayan ni Hunyo na nasa tapat na pala siya ng computer shop. Agad-agad
siyang pumasok dito. Pagpasok niya, nabangga siya ng isang estudyante na tila
nagmamadali na siyang naging dahilan para mahulog ang papel na hawak niya.
Nilipad ito papunta sa direksyon ng pusa. Pupulutin na sana niya ang papel nang
muling lumakas ang ihip ng hangin. Habang hinahangin ang papel sa ere, kinuha
ito ng puting pusa gamit ang kaniyang bibig. Namangha siya sa kanyang
nasaksihan, nanlaki ang mga mata at tila hindi makapaniwala. Paanong ang puting
pusa na ito ay lumipad at kinuha ang papel gamit ang kanyang bibig? Anong
misteryo ang nababalot sa pusang ito?
Naguguluhan
pa rin si Hunyo sa mga nangyayari, ngunit isa lamang ang sigurado para sa
kanya, hindi pangkaraniwan ang pusang ‘yon.
Tumakbo ang
pusa papalayo sa kanya. Agad itong hinabol ni Hunyo. Nakita niya na pumasok ito
sa isang eskinita. Sinundan niya ito nang sinundan hanggang sa huminto ang pusa
sa isang tindahan ng mga antigong gamit. Pumasok ito sa loob ng nasabing
tindahan. Kahit kinakabahan, kahit naguguluhan, kahit hindi sigurado kung saan
siya dadalhin ng pagsunod dito, patuloy pa rin na sinundan ni Hunyo ang puting
pusa.
Sa labas,
mas mukha itong tindahan ng mga libro kaysa tindahan ng mga antigong gamit
dahil sa mga lumang aklat na nakahilera sa tabi ng pinto
Iba ang
pakiramdam ni Hunyo nang pumasok siya sa tindahang ito. Madilim ang loob at
kapansin-pansin na maalikabok ang mga gamit. Makikita na nakaupo ang isang
matandang lalaki sa harapan ng kahera. Siya siguro ang may-ari ng tindahan.
Nagbabasa ng libro ang matanda.
“Patuloy
mong hanapin at iyong matatagpuan,” sabi ng matanda na wari bang binabasa ang
mga salita mula sa hawak niyang libro. Hindi siya pinansin ni Hunyo at patuloy
lang sa pagtingin sa paligid upang hanapin ang puting pusa.
Malawak ang
tindahan. Tila ba sanay na ang matandang lalaki sa mga pumapasok sa kanyang
tindahan dahil tila hindi siya pinansin nito. Pumasok siya sa isang silid na
parte pa rin ng tindahan. Namangha ang mga mata ni Hunyo. Nakita niya ang
maraming antigong gamit na naka-display. May mga lumang upuan, orasan, kabinet,
at istatwa ng puting pusa. Bagaman halos nababalot na ito ng alikabot, makikita
pa rin ang ganda ng mga antigong gamit na ito.
Natuon ang
mata ni Hunyo sa istatwa ng pusa. Sa tabi nito ay may isang lumang pinto.
Nilapitan niya ito. Nakaukit sa pinto ang ganitong mga salita: “Patuloy kang
kumatok at ikaw ay pagbubuksan. Patuloy mong hanapin at iyong matatagpuan.”
Bagaman
kinakabahan, gusto rin malaman ni Hunyo kung ano ang nasa likod ng pintuang ‘yon.
Lumapit siya. Huminga muna nang malalim bago tuluyang kumatok. Tatlong katok
ang ginawa niya. Pinikit niya ang kanyang mga mata, pagkatapos ay pinihit ang hawakan
ng pinto. Bumilis ang tibok ng puso niya nang mapagtanto na hindi naka-lock ang
pinto. Napangiti siya nang maisip na para siyang nasa adventure novel na paborito
niyang basahin.
Dahan-dahan
niyang binuksan ang pinto. Nang muli siyang dumilat, tumambad sa kanyang
harapan ang isang makipot na daan papunta sa loob. Madilim pero natatanaw niya
ang liwanag sa dulo ng makipot na daan. Lalo niyang gustong malaman kung ano
ang meron sa dulo nito. Nawala na sa isip niya ang puting pusa na kanina lamang
ay hinahabol niya. Tumingin muna siya sa paligid bago tuluyang pumasok sa loob.
Nang iapak
niya ang kanyang paa, nakaramdam siya ng sariwang hangin. May lagusan palabas
sa pintong ‘yon. Gusto niyang malaman ang dulo nito. Gusto niyang malaman kung
saan nagmumula ang liwanag!
Tumakbo nang
tumakbo si Hunyo. May mga sanga na kumakapit sa kanyang palda habang tumatakbo,
may mga dahong lumilipad na bumabalot sa kanyang katawan. Tumakbo siya nang
tumakbo hanggang sa makarating sa dulo, hanggang sa maabot niya ang liwanag.
Nagliwanag
ang buong paligid. Nadatnan niya ang kanyang sarili sa ilalim ng isang puno.
Abot-langit ang ngiti ni Hunyo nang mapagmasdang mabuti ang paligid.
Napakaganda
ng lugar na ‘yon. Sariwa ang hangin. Payapa. Maraming makukulay na bulaklak na
kakaiba ang hitsura. Maraming nagtataasang puno na berdeng-berde ang mga dahon.
May mga puno rin na kulay dilaw, asul at kahel ang dahon. May mga bunga rin ito
na kakaiba ang hitsura na noon niya lang nakita. Sa ‘di kalayuan, makikita ang
isang ilog na may tulay papunta sa kabilang bahagi ng lugar na ‘yon.
Palapit na
sana si Hunyo upang tuklasin kung ano ang mayroon sa kabilang bahagi ng
nasabing lugar nang bigla siyang mapaatras nang may kalapating dumapo sa
harapan niya. Nagsalita ang kalapati, “Iniimbitahan ka ng hari sa isang piging.
Mapalad ka, isang beses lang sa isang libong taon ang piging at isa ka sa mga
pinili.”
Lumipad ang
kalapati papunta sa tulay. Agad itong sinundan ni Hunyo. Nagpatuloy sa paglipad
ang kalapati hanggang sa dumapo ito sa isang sanga. Hinawi ng ibon ang
mala-kurtinang baging na kulay berde ang dahon at dilaw ang mga bulaklak.
Nanlaki ang
mga mata ni Hunyo nang makita niya ang isang napakaganda at napakalaking
palasyo. Kinusot niya ang mata at kinurot pa ang sarili upang siguruhin na ito
ay hindi isang panaginip. Kumikinang ang palasyo sa sobrang ganda. Gawa ito sa ginto.
Maging ang sahig at gate ng palasyo ay gawa rin sa ginto. Masayang lumapit si
Hunyo sa gate kung saan naghihintay ang isang karwahe at isang kutsero.
“Maligayang
pagdating, Binibini!” magiliw na bati ng kutsero. “Kanina ka pa hinihintay ng
Hari.”
Pumasok siya
sa loob ng karwahe. Malayo-layo pa ang pinto ng palasyo mula sa gate nito.
Habang papalapit sa pintuan ng palasyo, hindi pa rin maiwasan ni Hunyo na mamangha
sa mga halaman at mga puno na makikita sa daanan papunta sa palasyo.
Kitang-kita niya ang mga puno na namumunga ng mga gintong prutas. Tuwang tuwa
rin siya sa malalaking fountain sa magkabilang bahagi nito. Bago ito sa
paningin niya kung kaya ganoon na lamang ang galak niya habang pinagmamasdan
ang mga ito.
Nang
makarating na ang karwahe sa pintuan ng palasyo, agad naman na bumaba si Hunyo.
Inililibot pa rin niya ang mata sa buong paligid. Manghang-mangha siya sa lahat
ng nakikita niya. Walang sapat na salita upang ilarawan kung gaano kaganda ang
lugar. Para bang nasa loob siya ng isang paraiso. Kung paraiso mang maituturing
ang lugar na ‘yon, higit pa ito sa isang paraiso.
Lumapit siya
sa harap ng napakataas at napakalapad na pinto. Nasa ladindalawang talampakan
ang lapad at labindalawang talampakan din ang lapad nito. Bago siya pumasok ay
kumatok muna siya ng tatlong beses. Biglang bumukas ang pinto. Inaasahan niyang
may mga taong nagsasaya na sasalubong sa kanya subalit huni ng mga ibon ang
umalingawngaw sa buong palasyo. Walang katao-tao sa loob ni isa man.
Maingat
niyang iniapak ang mga paa sa sahig ng palasyo. Nagbasakali siyang may tao sa
loob kaya’t naglakad-lakad siya sa iba’t ibang bahagi ng palasyo. Subalit wala
siyang nakitang tao ni isa. Sinubukan niyang magsalita sakaling may makarinig
sa kanya, “Tao po! Tao po! May tao po ba riyan?” Ilang ulit pa siyang sumigaw
subalit di mabasag na katahimikan ang sumagot sa kanya.
Nakaramdam
ng pagkadismaya si Hunyo. Napakaganda ng lugar, napakaganda ng mga kagamitan
ngunit walang nakatira.
Nagtungo
siya sa balkonahe at pinagmasdan ang buong paligid. Sinubukan niyang iproseso
ang lahat ng nangyayari. Alam niyang hindi siya nanan
Makalipas
ang ilang minuto, nawala ang lungkot sa kanyang mukha. Nakita niya ang kalapati
na kumausap sa kaniya kanina.
“Nasaan ang
hari? Bakit walang tao sa lugar na ‘to? Nasaan ba ako?”, sunod-sunod na tanong
ni Hunyo sa kalapati.
“Ang Hari?
Wala rito ang Hari, Hunyo. Naroon siya sa kanyang palasyo,” sagot ng kalapati.
“Ano ang
ibig mong sabihin? Nasa kanyang palasyo? Hindi pa ba ‘to ang palasyo niya?”, naguguluhang
tugon naman ni Hunyo.
Napailing
ang kalapati. “Ang palasyo ng hari ay mas malaki at mas maganda kaysa rito. Ang
buong bahay na ito ay sa iyo, Hunyo. Ang lahat ng mga kagamitan na makikita mo
ay pagmamay-ari mo,” nakangiting sabi ng kalapati.
Naguguluhan
pa rin si Hunyo. Pinipilit niyang intindihin ang sinasabi ng kalapati.
“Ang mabuti
pa ay pumasok ka sa pintong iyon. Imbitahan mo sa piging ng Hari ang lahat ng
gusto mong imbitahan.”
Hindi pa rin
maintindihan ni Hunyo ang mga nangyayari. Sinunod na lamang niya ang kalapati
at pumasok nga siya sa pintong itinuro nito. Binuksan niya ang pinto at laking
gulat niya nang bigla siyang dinala ng pinto pabalik sa silid ng tindahan ng
mga antigong gamit.
“Ano ba kasi
ang nangyayari?”, tanong ni Hunyo sa sarili.
Bagaman
gulong-gulo pa rin sa mga pangyayari, nakaramdam naman siya ng ginhawa nang
mapagtantong nakabalik na siya sa tunay na mundo. Tiningnan niya ang kanyang
relo. Limang minuto lang ang lumipas mula nang pumasok siya sa pintong ‘yon. Tumayo
siya at lumabas nang silid na gulong-gulo pa rin ngunit ipinagpalagay nito na
tila ba walang nangyari.
Napatingin
siya sa matanda na sa mga oras na ‘yon ay nagbabasa pa rin ng libro.
Nagdadalawang-isip siya na kausapin ito dahil tila hindi naman siya napapansin.
Ibubuka na sana niya ang kanyang bibig nang bigla itong magsalita.
“Maraming
tao ang nagtangkang buksan ang pintong iyon ngunit hindi nila nakita ang nakita
mo. Walang mahika sa pintong iyon, Hunyo. Nagbukas ang pinto dahil binuksan mo
ang puso mo.”
Pagkasabi
niyon, lumabas si Hunyo na para bang walang nangyari. Paulit-ulit na naglalaro
sa isipan niya ang sinabi ng matanda hanggang sa makarating na siya sa harapan
ng kanyang eskwelahan. Nakita niya ang isang puting pusa na nakatingala sa
kalangitan. Napatingin rin siya sa kalangitan.
“Posible
kayang makabalik ako sa lugar na ‘yon?” bulong niya sa sarili.
“Hunyo!
Anong tinitignan mo diyan? Bilisan mo at mahuhuli na tayo sa klase.” Nagulat
siya sa boses ng kanyang matalik na kaibigan na si Julia.
Hindi niya malaman
kung sasabihin ba niya kay Julia ang kanyang kakaibang karanasan. Inisip niya
na baka hindi siya paniwalaan nito.
“Ahh… wala,
ano kasi… Halika Julia, samahan mo ako may ipapakita ako sa’yo,” nag-aatubili
sabi ni Hunyo.
Hindi pa man
nakakasagot, basta na lamang niyang hinablot ang braso ng kaibigan at saka
tumakbo papunta sa antigong tindahan.
Pagdating sa
tindahan, nagtaka si Julia kung bakit siya dinala ng kaibigan niya roon.
“Ano ba ang
nangyayari Hunyo? Basta mo ako dinala rito. Alam mo bang mahuhuli na tayo sa
klase natin?”, inis na tanong ni Julia sa kaibigan. Hindi naman ito pinansin ni
Hunyo. Inutusan niya ang kaibigan na buksan ang pinto.
“Basahin mo muna
‘yung nakaukit sa pinto at saka buksan mo,” sabi ni Hunyo.
Napatingin
si Julia sa mga letrang nakaukit sa pintuan. Sinunod niya ang sinabi ni Hunyo, “Patuloy
kang kumatok at ikaw ay pagbubuksan. Patuloy mong hanapin at iyong matatagpuan.”
Matapos
mabasa, binuksan ni Julia ang pinto. Laking gulat ni Hunyo nang tumambad sa
kanila ang isang sirang banyo na umaalingasaw ang amoy dahil sa matagal na
itong hindi nalilinisan.
“Ano ba
naman ‘yan Hunyo! Hinatak mo ako para ipakita at ipaamoy sa’kin ang banyo na ‘to?
Nag-aaksaya tayo ng oras! Mahuhuli na tayo sa klase,” inis na sabi ni Julia at
saka umalis.
“Paano
nangyari ‘yon? Kanina lang…” Napatulala si Hunyo.
“Ano ba ang
sinabi ko, Hunyo?” Nagulat siya sa boses ng matanda. “Marami ang tinawag, ngunit
kakaunti ang pinili. At hindi lahat ay tumutugon sa tawag ng Hari,” dagdag pa
nito.
Pagkasabi
niyon, agad na umalis ang matanda at naiwang mag-isa si Hunyo. Muli siyang
lumapit sa pinto. Ipinikit niya ang kanyang mga mata pagkatapos ay binuksan
ito. Nang muli siyang dumilat, nadadtanan niya ang kanyang sarili sa harapan ng
gintong palasyo.
WAKAS
Comments
Post a Comment