Isang taon pa. Isang taon na lang.

Malapit na ulit magpasukan. Fourth year na ako. Isang taon na lang. Isang taon pa. 

Nalulungkot akong isipin na isang taon lang ako namalagi sa kampus ng PUP sa buong buhay kolehiyo dahil sa pandemya. Kung matutuloy ang face to face classes ngayon, dalawang taon din naman. Naiisip ko 'yung mga nasayang na memories kasama ang mga kaklase kung sakaling hindi nagkapandemya. Pero ayos lang. May purpose siguro ang Diyos kung bakit Niya hinayaan 'to. 

Naalala ko 'yung propesor namin sa Ethics na wala sa katinuan. Sobrang weird niya. Hindi na nga maayos magturo, mababa pa magbigay ng grado.

At naaalala ko rin 'yung mga magagaling naming propesor. Gaganahan ka talaga pumasok at makinig. Habang nagtatalakay sila, naiisip mo rin ang sarili mo na nakatayo sa harap at inspired na inspired magturo sa mga bata. Ganu'n ang mga propesor na gustong-gusto ko. 'Yung nakapagbibigay sa'yo ng pag-asa na balang-araw magiging maayos din ang sistema ng edukasyon ng Pilipinas dahil sa mga gurong katulad nila. 

Hindi ko malilimutan 'yung nagpaalam kami ng kaklase ko na magpupunta ng CR pero ang totoo nagpunta kami sa Lagoon. Bumili kami ng FEWA. Badtrip pa kasi 'yun 'yung kauna-unahang pagtikim ko sa sikat na sikat na FEWA na 'yan pero pagkagat ko, boom! Bulok na itlog 'yung nalasahan ko. Nakakainis. Kaya simula nu'n di na ako bumili ng FEWA. Sa halip, corndog at kwek-kwek 'yung naging paborito. Pero sa face to face, bibigyan ko ng second chance ang FEWA. Malay natin, this time hindi na ako ma-disappoint. 

Pero ibang klase talaga 'yung init sa loob ng PUP. Sanay ako sa mainit. Hindi nga ako nag-eelectric fan minsan sa bahay. Ayos lang sa'kin kahit pawis na pawis ako. Minsan nga nagkukumot pa ako kahit mainit. Pero masasabi kong ibang lebel talaga ang init sa PUP. Parang Scorch Trial. 

Ah basta nakakawalang gana magpunta ng sa mga CR sa main. Kapag naiihi ako, doon ako nagpupunta sa CR ng Law. Pero kapag tinatamad, wala tiis talaga. Hindi mo naman pwedeng pigilin 'yung ihi mo hanggang sa makauwi ka lalo na't dysfunctional na 'yung pantog ko.

Pero nakakamis tumambay sa Chapel. Doon kami lagi kumakain ng tropa ko. Doon nagkukwentuhan at natutulog kapag walang prop. Doon nabuo ang maraming istorya ng pagkakaibigan at pag-iibigan. Marami ring alaala ang nabuo sa Sampaguita. Sa may Linear Park. Sa may Oval. Sa Catwalk. Sa harap ng Mabini Shrine. Sa labas ng NALLRC. Sa main building. Sa dome. Sa black market. Pagkatapos ng klase, minsan kumakain kami sa unli lugaw na tigbente. Minsan naman sa may Jollibee Pureza. Minsan sa mga tusok-tusok sa Teresa. Minsan naglalakad-lakad sa loob ng SM, kakain sa foodcourt, sa Jollibee, sa KFC, at nagtitingin sa National Book Store ng kung ano-ano. 

Hindi pa naman ako gagraduate pero pakiramdam ko tribute na 'to sa pag-alis ko sa PUP kahit may isang taon pa naman. Isang tao pa. Marami-rami pa ang mga alaalang pwedeng mabuo kasama ang mga kaibigan at kaklase sa loob ng kampus. Sana naman ay umayon ang Tadhana at pahintulutang sumulat ng alaala kahit pansamantala.

Comments

Popular posts from this blog

Kung Nalulungkot ka

Hunyo 15, 2023