Pag-asa
Sapagkat wala tayong tunay na bayan sa
mundong ito,
pero hinihintay natin ang bayan na paparating pa lang.
Hebreo 13:14 ASND
Nalulungkot akong isipin na balang-araw lahat ng mga bagay sa mundong ito ay mawawala. ‘Yung mga bagay na pinapahalagahan at iniingatan natin ay maglalaho bigla na parang bula. Isa itong masaklap na reyalidad. ‘Yung magagandang kotse, mala-mansyong bahay, nagtataasang gusali na dekada ang inabot para maitayo, at lahat ng mga mamahaling gamit at kasuotan sa mundong ito, ay mawawala sa isang iglap. Hindi rin natin madadali ang mga ito kapag namatay tayo. Oo nga’t may pakinabang ito sa kasalukuyan pero paano naman kaya sa hinaharap?
Isa ‘yan sa mga dahilan kung bakit na-depress ako. Wala akong gana mabuhay kasi naiisip ko na wala ring saysay ang pagpapaguran ko kasi lahat ‘yan iiwan ko rin kapag namatay na ako. Pero nagkaroon ako ng pag-asa nang makilala ko si Kristo. Nagkaroon ako ng ganang mabuhay nang malamang may pangako ang Diyos. Panandalian lang ang buhay natin sa mundong dahil may panibagong mundo na naghihitay sa’tin!
Masayang malaman ang bagay na ‘to. Ito ay pag-asang binibigay sa’tin ng Diyos. Sa lugar na ‘yon, wala nang kasalanan at kamatayan. At mabubuhay tayo na kasama siya. Diyos lang ang nakakaalam kung gaano kaganda ang lugar na inihanda Niya para sa’tin. Gaya ng sabi sa 1 Corinto 2:9, Ganito nga ang sinasabi ng Kasulatan, “Wala pang taong nakakita, nakarinig, o nakaisip sa mga bagay na inihanda ng Dios para sa mga nagmamahal sa kanya.”
Hindi natin kailangang mag-away-away, maghilahan pababa, magpalakasan, magpayamanan sa mundong ito dahil lahat ng makakamit natin sa mundong ito ay panandalian lang. Pero ang mga bagay na pinagtatrabuhan natin para sa Diyos ay siyang mga bagay na mananatili hanggang sa susunod na habang-buhay.
Iniligtas tayo ni Hesus mula sa kamatayan dulot ng kasalanan. Hindi lang ‘yon, may pangako pa siyang maganda at masaganang buhay ngayon at kailanman sa ilalim ng presensiya niya. Tunay nga na masayang magtiwala at sumunod sa Diyos dahil lahat ng pamamaraan niya ay mabuti at makatarungan.
Comments
Post a Comment