Si Crush
Minsan umuwi ako sa probinsiya namin. Bakasyon namin nu'n, magti-third year college ako sa susunod na pasukan. Dumaan din ang pandemya kaya minabuti kong pansamantala muna mamalagi doon habang umaarangkada pa ang COVID-19 sa Maynila at iba't ibang panig ng Pilipinas.
Wala akong masyado mapaglibangan kaya sumama ako magsimba sa isang born again Christian na simbahan. Magaganda 'yung kanta nila. Kakaiba rin ang preaching kaya lagi na akong nagsisimba tuwing linggo. Pero hindi 'yun ang totoong dahilan ng pagsimba ko kundi 'yung gitarista ng worship team nila. Johnrey 'yung pangalan niya. Matangkad, singkit, maputi, mabait, maka-Diyos, gwapo higit sa lahat magaling maggitara at kumanta. So far, nasa kanya na ang lahat.
Nakakahulog talaga 'yung tingin niya. Sobrang kinikilig ako kapag minsang nagkakatinginan kami. May isang beses nga na kumakanta siya at hindi ko mapigilan mapangiti kaya pilit akong nag-iisip ng mga malulungkot at seryosong bagay para hindi mapangiti.
Iba 'yung dating kapag tinatawag niya 'yung pangalan ko. Grabe 'yung kilig ko. At sobrang cute talaga niya kapag ngumingiti. Parang anghel.
Pero hindi kami naging malapit sa isa't isa. Hindi ko nga siya makausap o malapitan man lang kasi may nobya na siya. Gusto ko sana siyang makilala. Gusto ko siyang makausap tungkol sa maraming bagay.
Hindi man lang kami naging magkaibigan. Kahit hanggang doon lang sana. Pero wala. Hanggang tingin lang ako sa malayo. Hanggan du'n lang talaga.
Comments
Post a Comment